
Cauayan City – Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na maging maingat, responsable, at siguraduhin ang kalusugan habang ginugunita ang Mahal na Araw.
Ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa, inaasahan ang pagdagsa ng mga biyahero at deboto kaya’t mahalaga ang pagiging alerto, lalo na sa mga pupunta sa matataong lugar, uuwi sa mga probinsya, at sasali sa mga tradisyong tulad ng Visita Iglesia.
Aniya, iwasan ang direktang pagbibilad sa araw at siguraduhing uminom ng maraming tubig upang makaiwas sa heat stroke at magpahinga kung kinakailangan.
Bilang paghahanda, isinailalim ng DOH sa Code White Alert ang lahat ng pampublikong ospital sa bansa mula April 13 hanggang April 20, 2025.
Sa ilalim ng alertong ito, naka-standby ang mga medical personnel upang agad makaresponde sa anumang insidente, kabilang na ang mga aksidente at heat stroke.
Tiniyak din ng ahensya na patuloy ang operasyon ng mga ospital upang tugunan ang anumang medikal na pangangailangan ng publiko.