
Umaasa ang ilang mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs) ng nakaraang administrasyon na hindi magtatapos sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang paggulong ng hustisya.
Ayon sa ilang mga biktima, dapat managot din ang ibang opisyal na nagpapatakbo ng anti-drug war ng nakaraang administrasyon.
Partikular na rito sina Senator Bato dela Rosa na noo’y hepe ng Philippine National Police (PNP) at si dating PNP Chief Oscar Albayalde.
Bukod sa batas sa Pilipinas na hahabol sa iba pang kasabwat, nandiyan din ang International Criminal Court (ICC) na inaasahan ng mga pamilya ng namatayan noong war on drugs.
Bagama’t aminado ang mga kamag-anak na matagal ang proseso ng paglilitis, naniniwala sila na isang malaking hakbang ang pag-aresto kay Duterte upang makamit ang katarungan para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Kinalampag din nila ang Department of Justice (DOJ) na una nang bumuo ng Task Force on EJK noong nakaraang taon para tukuyin ang mga nasa likod ng mga pagpatay sa war on drugs, magsagawa ng case build-up at magsampa ng kaukulang reklamo.
Sa panig naman ni Dela Rosa, nakapaghain ito noong nakaraang linggo ng apela sa Korte Suprema ng motion for reconsideration makaraang hindi maglabas ng Temporary Restraining Order sa petisyon nila ni dating Pangulong Duterte na ipahinto ang pakikipagtulungan ng Pilipinas sa ICC.
Sa ngayon ay wala pang inilalabas na arrest warrant laban kina Dela Rosa at Albayalde.