
Mariing nagpaalala ang Department of Transportation (DOTr) mga driver ng pampublikong transportasyon na tigilan ang pangingikil at pananamantala sa mga pasahero, lokal man o dayuhan.
Sa gitna ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo bunsod ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Batay kasi sa isang post sa social media, isang Taiwanese national ang siningil umano ng isang driver ng 9,600 pesos imbes na 500 pesos lamang mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) hanggang sa kanilang destinasyon sa Maynila.
Dahil dito, ipinag-utos ni Transportation Secretary Giovanni Lopez sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) na hulihin ang mga driver na mahuhuling manloloko at mananamantala ng mga pasahero.
Maaari rin na suspendihin o kanselahin ang prangkisa ng mga transport operator na lumalabag.
Bukod pa rito, ipinag-uutos din ni Lopez sa LTFRB na sampahan ang mga mahuhuling nananamantala ng kasong kriminal.










