Drayber ng Motorsiklo na Bumangga sa Cargo Truck sa Cordon Isabela, Patay!

Cordon, Isabela – Patay ang drayber ng motorsiklo matapos bumangga sa cargo truck kagabi sa National Highway ng Brgy. Taringsing, Cordon, Isabela.

Sa ipinarating na impormasyon ng Isabela Police Provincial Office sa RMN Cauayan, kinilala ang nasawing biktima na si Christian Pascua Gamboa, bente kwatro anyos at residente ng Brgy. Gulac, Diffun, Quirino.

Habang ang drayber ng isuzu cargo truck ay kinilalang si Charlie Infante Divina, tatlumpung taong gulang at nakatira sa Sto. Tomas, Alicia, Isabela.


Sa inisyal na imbestigasyon ng kapulisan, patungong Cordon, Isabela umano ang biktima na sakay ng kanyang motorsiklo nang biglang nabangga nito ang harapan ng truck na may sakay na limang daang sako ng mais.

Sa resulta ng pangyayari ay nagtamo ng matinding sugat sa katawan lalo na sa ulo ang biktima na dinala naman kaagad ng Rescue 801  sa pinakamalapit na pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival na ito.

Ang driver ng truck ay nasa himpilan na ng PNP Cordon para sa karagdagang imbestigasyon.

Facebook Comments