Driver at may-ari ng truck na sangkot sa karambola ng mga sasakyan sa Marikina, pinatatawag ng LTO

Pinadalhan na ng show cause order ang driver at rehistradong may-ari ng trailer truck na sangkot sa karambola ng anim na sasakyan sa bahagi ng Recto St., Brgy. Fortune, Marikina City.

Ayon kay Land Transportation Office (LTO) Chief Asec. Vigor Mendoza II, nais nilang marinig ang paliwanag ng may-ari at driver ng trak sa nagyaring aksidente at matukoy kung may lapses ang may-ari sa pagpapanatili ng kaayusan ng trak at ang kondisyon ng driver.

Batay sa police report, kargado ng container van ang truck nang mawalan ng preno habang binabagtas ang pataas na bahagi ng daan at sumalpok sa dalawang jeep, dalawang sedan, at isang SUV.

Tatlo ang patay habang sampu ang sugatan sa nasabing insidente.

Nasa kustodiya na ng pulis ang driver ng truck na posibleng maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide and Multiple Damage to Property at kumpiskado na rin ang kaniyang lisensya.

Facebook Comments