DSWD, nagbabala sa mga kumakalat na pekeng Facebook page ng ahensya

Nagbabala sa publiko ang Department of Social Welfare and Development – National Capital Region sa pagtangkilik sa mga Facebook page.

Ayon sa ulat, may kumakalat na rin kasing pekeng Facebook page ng DSWD na nagsasabing parte sila ng ahensya at namimigay ng ayuda mula sa Emergency Subsidy Program – Social Amelioration Program o ESP-SAP.

Paglilinaw ng DSWD, ang Central Office, mga Field Offices at City Social Welfare Offices lamang ang maaaring makapag-bigay ng tamang impormasyon patungkol sa ESP-SAP ng DSWD.


Samantala, nasa 2,217,319 na pamilyang benepisyaryo ang naabutan na ng tulong pinansiyal sa ilalim ng ikalawang tranche ng SAP.

Base sa pinakahuling datos na inilabas ng ahensya, 215,934 sa kabuuang bilang ay mula sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, 1,175,002 naman ay mula sa mga Non-4Ps at kwalipikadong pamilyang benepisyaryo, at 826,383 ay mula sa mga left-out o waitlisted.

Tiniyak pa ng DSWD na magtutuluy-tuloy na ang pagpapa-abot ng ayuda mula sa programa sa pamamagitan ng digital payment.

Facebook Comments