Tuesday, June 9, 2026

DSWD, naglaan ng higit ₱4-M na halaga ng tulong sa mga apektado ng malakas na lindol sa Mindanao

Tuloy-tuloy ang paghahati ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lalawigang naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao.

Ayon sa DSWD, nakapaghatid na ito ng mahigit P4.2 milyong halaga ng humanitarian assistance sa mga apektadong pamilya, kabilang ang mga family food packs at iba pang relief items.

Sa pagbisita rin ni Dr. Jorge P. Royeca City Hospital sa General Santos City, namahagi ito ng tulong-pinansyal sa mga pasyente.

Nasa 126 na pasyente na ang tumanggap ng tig-P10,000 financial assistance sa naging pagbisita ni DSWD Sec Rex Gatchalian sa Sarangani Provincial Hospital habang 295 na pasyente naman ang nabigyan ng cash aid sa Dr. Jorge P. Royeca City Hospital sa General Santos City.

Magagamit ang naturang pinansyal para sa kanilang gastusing medikal, pagkain, at iba pang agarang pangangailangan habang nagpapagaling mula sa epekto ng sakuna.

Batay sa pinakahuling tala ng DSWD, umabot na sa halos 33,000 pamilya o mahigit 145,000 indibidwal ang apektado ng sakuna.

Sa bilang na ito, mahigit 31,000 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center habang halos 9,000 naman ang pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.

Nakapagtala rin ang DSWD ng humigit-kumulang 460 kabahayang lubos na napinsala habang mahigit 2,000 naman ang partially damaged.

Facebook Comments