DSWD, tiniyak sa Kamara na tatapusin hanggang sa katapusan ng Hulyo ang distribusyon ng 2nd tranche ng SAP

1809

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Kamara na tatapusin hanggang sa katapusan ng Hulyo ang pamamahagi ng ikalawang bugso ng Social Amelioration Program (SAP).

Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni DSWD Undersecretary Danilo Pamonag na aabot na sa P19.4 billion ang naipamahaging second wave ng cash assistance sa 3.2 million benepisyaryo.


Sinabi ni Pamonag sa mga miyembro ng komite, na sa pamamagitan ng kombinasyon ng digital at direct payouts ay matatapos nila hanggang sa katapusan ng buwan ang SAP 2 distribution.

Gayunman, inamin nito na posibleng may ilang payouts ang ma-extend ang pagbibigay ng SAP hanggang sa Agosto dahil sa problema sa mobility, security at iba pang health factors.

Paliwanag nito, may mga isla, munisipalidad, barangay at malalayong lugar na inaabot ng isa o dalawang araw bago marating.

Bukod dito, nakapagpabagal din sa distribusyon ang mga conflict-affected areas na nangangailangan muna ng koordinasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa Philippine National Police (PNP) upang matiyak na ligtas ang mga maghahatid ng ayuda at makakarating ito sa mga beneficiaries.

Nakaapekto rin ang banta sa kalusugan ng COVID-19 dahil kinailangan din ng mga social workers na sumailalim sa 14-day quarantine sa oras na ma-expose sa isang positibo sa sakit.




Sa 18 million poor households na nakatanggap ng 1st tranche ng SAP, nasa 12 million lamang ang benepisyaryo ngayon sa SAP 2 kasama na dito ang 5 million na waitlisted beneficiaries.

Facebook Comments