
Sa isang pahayag na nilabas ng Department of Trade and Industry (DTI) ay kinumpirma nito na nakatanggap ang ahensiya ng mga reklamo hinggil sa di umano’y mapanlinlang na pagbebenta ng Circus Music Festival, partikular ang kabiguan nito sa pagtupad ng mga ipinangakong serbisyo at mga freebie na kasama dapat sa kanilang ticket sales.
Matatandaang may ilan sa mga social media post mula sa ilang dismayadong ticket buyers ang nag-viral kamakailan, kung saan sinabi nito ang ilan sa mga discrepancy ng nasabing event.
Ayon sa DTI, alinsunod sa mandato ng ahensiya sa proteksyon ng consumer ay magsasagawa ito ng agarang pagsisiyasat upang matiyak ang patas at agarang solusyon para sa lahat ng partidong nasasangkot.
Sinabi ng DTI na nakatanggap na sila ng 42 na magkakakatulad na reklamo at sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang ahensiya sa mga organizer ng event upang humingi ng paliwanag at tugunan ang mga hinaing ng mga mamimili.