Duterte family photo, inilabas matapos ang isang linggong hindi pagpapakita ng Pangulo sa publiko

Pangulong Rodrido Duterte kasama si Honeylet Avanceña at anak nilang si Veronica Duterte sa kanilang bahay sa Davao City, Agosto 18. (Honeylet Avanceña)

Matapos ang halos isang linggo na hindi pagpapakita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko, naglabas ng larawan ng Presidente ang kanyang kasalukuyang partner na si Honeylet Avanceña, Lunes.

Sa larawan, kasama ni Duterte si Avanceña at anak nilang si Veronica, sa kanilang bahay sa Davao City.

Habang nagbahagi rin ng larawan si Senador Bong Go kasama ang Pangulo na pabalik na sa Malacañang.


Huling humarap si Duterte sa publiko noon pang Agosto 9 sa 118th Police Service Anniversary sa Camp Crame sa Quezon City.

Kaugnay nito, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na busy ang Pangulo na dumalo sa mga pribadong meeting at paperwork.

Nagkaroon ng haka-haka tungkol sa kalusugan ng Pangulo noong unang beses na matagal din siyang hindi nagpakita.

Matatandaang ibinunyag ng 74-anyos na lider ng bansa na sumailalim siya sa colonoscopy at endoscopy at may regular na blood test.

Inamin niya rin na nakararanas siya ng Buerger’s disease, migraine, at pananakit ng likod.

Mariin namang pinabulaanan ng Palasyo na may seryosong karamdaman si Duterte.

Facebook Comments