Early Childhood Care and Development Council, palalakasin sa ilalim ng bagong ECCD Law

Pinawalang bisa na ang batas sa Early Years Act of 2013 matapos pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Early Childhood Care and Development System Act na layong tutukan ang maagang edukasyon, wastong nutrisyon, at pangangalaga para sa mga batang Pilipino.

Isa ito sa mga prayoridad na panukala na inirekomenda ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) para mapabuti ang sistema ng edukasyon sa bansa at itaguyod ang karapatan ng bawat bata sa maayos na pangangalaga at pag-unlad.

Sa ilalim ng RA No. 12199, ang Early Childhood Care and Development (ECCD) Council ang magiging pangunahing ahensya para sa pangangalaga sa mga batang edad limang taon pababa, habang ang Department of Education (DepEd) naman ang mangangasiwa sa mga batang may edad lima hanggang walo, alinsunod sa Enhanced Basic Education Act of 2013.

Isinusulong din sa ECCD System ang inklusibong edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng angkop na serbisyo, sapat na suporta, at accessible na kapaligiran para sa mga batang may kapansanan.

Palalakasin din nito ang ECCD Council na siyang mangunguna sa pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan, nutrisyon, edukasyon, at social development programs.

Layon ng batas na mabawasan ang child mortality, suportahan ang kabuuang pag-unlad ng bata, ihanda sila sa pormal na pag-aaral, at magpatupad ng maagang interbensyon para sa mga batang may espesyal na pangangailangan.

Facebook Comments