
CAUAYAN CITY – Ipinahayag ng Commission on Elections (COMELEC) na ipatutupad ang early voting hours para sa mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at mga buntis sa darating na halalan.
Sa ilalim ng bagong polisiya, maaaring bumoto ang mga kabilang sa vulnerable sectors mula alas-5:00 hanggang alas-7:00 ng umaga — dalawang oras bago ang opisyal na pagbubukas ng mga presinto.
Ayon kay Atty. Johanna Vallejo, may opsyon pa rin ang mga senior citizens, PWDs, at buntis na bumoto sa regular na oras ng botohan kung hindi sila makakadalo sa nakatakdang early voting period.
Ang regular na oras ng botohan ay magsisimula ng alas-7:00 ng umaga at magtatapos ng alas-7:00 ng gabi. Dagdag pa rito, may nakatalagang priority lanes para sa mga nabanggit na sektor upang mas mapabilis ang kanilang pagboto.
Layunin ng COMELEC na maiwasan ang matagal na pagpila, siksikan, at labis na init ng panahon para sa mga mas nangangailangang botante.
Bukod dito, magkakaroon din ng mga voter assistance desks sa labas ng mga voting centers na pamamahalaan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV). Magbibigay ito ng tulong sa mga botante upang mabilis nilang mahanap ang tamang presinto.
Makikita rin sa mga desk ang mga larawan ng rehistradong botante upang mapadali ang pagkakakilanlan at maiwasan ang kalituhan sa araw ng halalan.