
Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Marbil na hindi nito pahihintulutan na mamayagpag ang anumang uri ng pananakot at paggamit ng dahas sa lalawigan lalo na’t nalalapit na ang 2025 midterm elections.
Sa isinagawang Political Candidates Forum and Peace Covenant Signing sa 6th Infantry Battalion Headquarters sa Awang, Cotabato City, iginiit ni Marbil na ginagawa nila ang lahat para matiyak ang maayos na electoral process.
Ani Marbil, poprotektahan ng Pambansang Pulisya ang demokrasya at hahayaan na manaig ang balota at hindi ang bala.
Bilang bahagi ng pinaigting na seguridad, tiniyak ni Gen. Marbil na mas paiigtingin ng PNP ang operasyon laban sa mga armadong grupo at iba pang grupong posibleng manggulo sa halalan.
Sa ngayon, puspusan ang koordinasyon ng PNP sa Commission on Elections o Comelec at Armed Forces of the Philippines o AFP para sa pinaigting na pagpapatupad ng seguridad partikular na sa Maguindanao.
Nabatid na kasama ang ilang bayan sa Maguindanao sa inisyal na listahan ng election areas of concern na natukoy ng PNP at Comelec.