Empleyado ng PENRO Mambusao patay sa aksidente sa Altavas Aklan

Altavas, Aklan—Patay ang 24 anyos na babae matapos mabundol ang sinasakyan nitong motorsiklo sa Sitio Agpasi Brgy. Cabangila Altavas Aklan.
Nakilala ang biktimang si Ronalyn Z. Rose at residente ng Bacan Banga Aklan.
Ayon kay Patrolman Crisande Makiling ng Altavas Police station na nagtamo ng malaking sugat sa ulo ang biktima na naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Base sa imbestigasyon bandang alas 8:30 kaninang umaga ay tinatahak ng biktima ang bahagi ng highway papuntang Capiz lulan ng kanyang motorsiklo ngunit nahagip ito ng pampasaherong Van na minamaneho ng suspek na si Roger Gomez 44 anyos at residente ng Brgy. Balabago Jaro Iloilo.
Nag overtake umano ang naturang van sa isang truck ngunit nang bumalik ito sa kanyang linya ay hindi nito namalayan na nasa harapan pala ng truck ang motorsiklo ng biktima.
Nahagip ng sasakyan ang motorsiklo na naging dahilan para ito ay matumba.
Dahil sa lakas ng impact ay tumalsik ang half face helmet ng biktima dahilan para ito ay masugatan sa ulo.
Naisugod pa sa Altavas District Hospital ang biktima ngunit ideneklara itong Dead on arrival.
Agad na dinakip si Gomez ng mga otoridad at nakatakdang sampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide sa Aklan Prosecutors office.
Sa ngayon kasalukuyang nakapiit sa Altavas PNP Station ang naturang van driver.

Facebook Comments