‘Enhanced’ New Generation Currencies, inilunsad ng BSP

129

Opisyal nang inilunsad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang ‘enhanced’ New Generation Currency o NGC banknotes.


Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, tampok dito ang pinakabagong anti-counterfeiting technology kung saan pinalakas pa ang security features nito.

Ibig sabihin, hindi na basta-basta napepeke ang mga bagong perang papel.

Bukod dito, sinabi rin ni Diokno na ikinonsidera din nilang i-angkop ang banknotes sa mga matatanda at may problema sa paningin.

Ang mga ₱50, ₱100, ₱200, ₱500, at ₱1000 denominations ay mayroong sumusunod na enhancements:

Ang ₱100, ₱200, ₱500, at ₱1,000 banknotes ay mayroong vertical windowed security thread kung saan makikita ang indigenous design at kulay kapag tiningnan sa iba’t ibang anggulo.

Nakalagay rin dito ang alphanumeric denominational value at ang letrang “BSP.”




Para sa ₱1,000 banknote, ang embossed 1,000 denominated value sa ibabang kanang bahagi ng note ay nag-iiba ng kulay mula green patungong magenta kapag tiningnan sa ibang anggulo.

Ang ₱500 note, mayroon itong Philippine flag design na nag-iiba ng kulay mula gold patungong green depende sa anggulo.

Ang mga enhanced banknotes ay mayroon ng pares ng maninipis na horizontal bands o tactile marks na makikita sa dulong kanan at kaliwang bahagi kung saan mayroong limang pares sa ₱1000, apat sa ₱500, tatlo sa ₱200, at dalawang pares sa ₱100 at isang pares sa ₱50.

Sa ₱1,000 at ₱500 notes, ang value panel sa itaas na kaliwang bahagi ay nilagyan ng rolling bar effect kapag itinikwas ito o tilt mula kaliwa patungong kanan.

Ayon kay Diokno, ang paggawa sa enhanced bank notes ay bahagyang mahal kumpara sa mga dating inilunsad na NGC banknotes.

Ang enhanced banknotes ang papalit sa mga dating inilunsad na NGC notes.

Facebook Comments