Environmental group, dismayado sa naiwang mga basura sa mga pilgrimage site matapos ang mahal na araw

Dismayado ang environmental group na Ecowaste Coalition sa nangyaring pagkalat at tambak na basura sa ilang sikat na pilgrimage sites nitong nagdaang Semana Santa.

Base sa naging monitoring ng grupo, marami pa ring basura ang kanilang nakita sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno sa Quiapo, Maynila; National Shrine and Parish of the Divine Mercy sa Marilao, Bulacan at Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Grace sa Caloocan City.

Pawang mga basura rin ang bumulaga sa Our Lady of Lourdes Grotto Shrine sa San Jose del Monte City sa Bulacan kung saan umaapaw na ang mga basura sa mga lagayan nito at nakita rin nila ang mga plastic bag na puno ng basura na iniwan ng mga nagtungo sa lugar.

Bagama’t hindi kasing dami noong nakaraan taon, may mga basura pa rin nakita sa mga kalsada patungo ng Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral sa Antipolo City.

Ang iba namang simbahan na tinungo ng grupo ay napanatili ang kalinisan kahit pa libo-libo ang nagpunta rito.

Muling iginiit ng grupo na dapat seryosohin ng mga lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng Ecological Waste Management Act at paigtingin sana ang mga hakbang para mapanatili ang kalinisan sa kanilang mga nasasakupan.

Facebook Comments