
Naniniwala si Senator Joel Villanueva na magbubukas ng mga bagong oportunidad para sa pang-angat ng karera ang bagong batas na Republic Act 12124 o Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP).
Sa ilalim ng programa ay ini-institutionalize na ang pagkakaroon ng college degree o diploma kahit pa hindi sumailalim sa tradisyunal na klase sa kolehiyo.
Ayon kay Villanueva, principal sponsor at may-akda ng panukala sa Senado, tinitiyak ng batas na makatutulong ito sa mga Pilipinong maagang nasabak sa trabaho para maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral na hindi kailangang lumiban sa pagtatrabaho.
Sinisiguro din ng batas na ang mga kasanayan, kaalaman, at karanasang natamo sa lugar ng trabaho ay kikilalanin at isasalin sa mga academic credits, at sa huli ay magbibigay-daan sa pagkamit ng bachelor’s degree gayundin sa career advancement at development.
Nagpapasalamat din ang mambabatas kay Pangulong Bongbong Marcos at sa mga senador na tumulong para maisulong at maisabatas ang panukala.