FA-50 fighter jets ng Philippine Air Force, balik-operasyon na

Matapos ang ilang linggong grounding dahil sa pagbagsak ng isang FA-50 fighter jet sa Bukidnon, pinayagan nang muli ng Philippine Air Force (PAF) na bumalik sa operasyon ang kanilang FA-50 fleet.

Ayon kay PAF Spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, inalis ang grounding order noong March 25, 2025, matapos ang masusing pagsusuri sa lahat ng FA-50 jets.

Ani Castillo, bahagi ito ng standard operating procedures (SOP) upang matiyak na walang teknikal na problema ang kanilang fleet bago muling payagang lumipad.

Sa kabila ng insidente, tiniyak ni Castillo na ligtas nang gamitin ang mga FA-50 at handa na itong lumahok sa Cope Thunder Exercise 2025, kung saan magsasanay ang PAF kasama ang Estados Unidos mula April 7-8, 2025.

Matatandaang noong March 4, isang FA-50 fighter jet ang nawala habang nagsasagawa ng tactical night operation bilang suporta sa ground troops.

Kinabukasan, March 5, natagpuan ang bumagsak na jet at nakumpirma ang pagkasawi ng dalawang piloto nito.

Facebook Comments