
Nagpapasalamat si QC 5th District Representative PM Vargas sa muli niyang tagumpay sa katatapos na eleksyon kung saan hindi umubra ang ‘fake news campaign’ laban sa kanya.
Para sa kaniyang ikalawang termino ay tinalo ni Vargas ang katunggali na si Rose Nono Lin na isang independent candidate at magugunitang nakaladkad sa mga isyung may kaugnayan sa Pharmally scandal at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Wagi din para sa kaniyang ikalawang termino bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Maynila si Congressman Joel Chua.
Ikinalugod ni Chua na nalampasan niya ang matitinding tirada sa panahon ng kampanya lalo na sa social media na mula aniya sa panig ni Vice President Sara Duterte at ni re-elected Mayor Isko Moreno.
Para naman kay Manila 6th District Representative Rolando Valeriano, nanaig ang kaniyang trabaho at mga nagawa kumpara sa panlalait na ibinato sa kanya na umano’y mula rin aniya sa panig ni VP Duterte at Moreno.