FDA, pinagbulaanang hinaharang ang Sinopharm vaccines sa bansa

29

Itinanggi ng Food and Drug Administration (FDA) na hinaharang nila ang pagpasok ng Sinopharm vaccines sa Pilipinas.

Ito ay matapos sabihin ni Special Envoy to China Ramon “Mon” Tulfo na may aplikasyon na para sa Emergency Use Authority (EUA) ang Sinopharm.


Paliwanag ni FDA Director General Eric Domingo, sumulat ang gobyerno ng China kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na nag-aabiso na wala silang local distributor sa bansa.

Blangko rin aniya ang FDA kung ano ang magiging application strategy ng Sinopharm, oras na mag-apply na ito ng EUA sa bansa.

“Wala pong nag-a-apply sa amin ‘no. Kami po lahat lang po ng application tinatanggap po namin freely. Pero as of this time, wala pa pong nag-a-apply at iyon pong Chinese government, alam ko po kasi sumulat sila kay Secretary Galvez informing him na wala silang local na distributor dito at hindi ko po alam kung ano ang kanilang magiging application po na strategy. Pero wala pong nag-apply at hindi po namin pinipigilan. Actually, lahat po hinihintay naming mag-apply dito sa FDA.” ani Domingo

Matatandaang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na inaprubahan ng FDA ang aplikasyon ng Presidential Security Group (PSG) para sa “compassionate special permit” para makakuha ng 10,000 doses ng Sinopharm vaccines.



Ang compassionate special permit ay isang permiso kung saan maaaring gamitin ng PSG ang hindi rehistradong bakuna kahit wala itong EUA mula sa FDA.


Facebook Comments