Tuesday, June 16, 2026

Flood control project sa bahaing Araneta Avenue, Quezon City, matatapos na sa May 31

Malapit nang makumpleto ang halos P500-milyong drainage improvement project sa G. Araneta Avenue sa Quezon City na bahagi ng “Oplan Kontra Baha” ng pamahalaan.

Personal na pinuntahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang proyekto upang tingnan ang progreso ng flood control works sa lugar na matagal nang nakararanas ng matinding pagbaha tuwing malakas ang ulan.

Batay sa datos ng Department of Public Works and Highways (DPWH), nasa 96.75 porsyento na ang proyekto na sumasaklaw sa 758-metrong bahagi ng G. Araneta Avenue mula Kaliraya Street hanggang E. Rodriguez Sr. Avenue. Target itong makumpleto sa Mayo 31, 2026.

Ayon kay Pangulong Marcos, layunin ng proyekto na mapabilis ang pag-agos ng tubig at mabawasan ang pagbaha sa lugar.

Kasama sa proyekto ang paglalagay ng dalawang malalaking high-density polyethylene o HDPE pipes sa ilalim ng kalsada, pag-upgrade ng drainage inlets, at pagpapalakas ng daluyan ng tubig patungo sa San Juan River.

Sinabi naman ni DPWH Secretary Vince Dizon na nakitaan na umano ng pagbuti ang sitwasyon sa lugar noong mga nakaraang pag-ulan kahit hindi pa ganap na tapos ang proyekto.

Facebook Comments