Ginang na may Sakit sa Pag-iisip, Napatay ng Live-in Partner dahil sa Natabig na Gatas

15

Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang magsasaka matapos nitong mapatay ang kanyang live-in partner nitong miyerkules, Setyembre 22, 2021 sa Sitio Bantay, Zone 2, Brgy. Calantac, Alcala, Cagayan.

Kinilala ang suspek na si Vicente Guzman, 42-anyos habang ang biktima ay nakilalang si Filomina Pattung, 35-anyos, walang trabaho at residente ng Brgy. Calantac, Alcala, Cagayan.


Lumabas sa imbestigasyon ng Alcala Police Station, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang maglive-in partner ng bigla umanong aksidenteng maitapon ng biktima sa katawan ng suspek ang isang tasa ng mainit na gatas at kalaunan ay kinagat nito ang labi ng lalaki.

Bilang ganti, sinampal ng suspek ang biktima sa kaliwang tenga nito.

Nagawa pang kagatin ng biktima ang suspek habang nakahiga silang pareho ngunit tinakpan ng suspek ang ilong at bibig ng biktima hanggang sa mawalan ito ng hininga na dahilan ng agad nitong pagkamatay.

Dagdag dito, nabatid na may problema sa pag-iisip ang biktima.



Sinampahan na ng kasong Homicide ang suspek na nasa kustodiya ng mga awtoridad.

Facebook Comments