Sugatan ang isang 52-anyos na ginang matapos pasukin at tangkaing saktan ng isang 18 anyos na lalaki sa loob ng kanyang tindahan sa Alaminos City, Pangasinan, pasado ala-una ng madaling-araw kahapon, Nobyembre 4.
Ayon sa paunang imbestigasyon, natutulog ang biktima sa kanyang silid nang magising sa ingay sa bintana at makita ang suspek na armado ng patalim.
Tinangkang agawin ng ginang ang sandata at nagawa niyang kagatin ang braso ng lalaki, dahilan upang mabitawan nito ang patalim.
Mabilis namang tumakas ang suspek ngunit naiwan ang kanyang mga personal na gamit at ang ginamit na patalim.
Nagtamo ng sugat sa noo ang biktima at agad na dinala sa ospital para sa agarang lunas.
Sa isinagawang hot pursuit operation, naaresto rin ng mga awtoridad ang suspek at dinala sa ospital para sa medikal na pagsusuri bago isailalim sa kustodiya ng Alaminos City Police Station.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong Trespass to Dwelling at Frustrated Homicide.









