Agaran at malalimang imbestigasyon ang apela ni Pangasinan Governor Ramon Guico III sa mga law enforcement agencies ukol sa bilyong halaga ng hinihinalang shabu na palutang-lutang sa baybaying sakop ng lalawigan.
Itinuturing ni Guico na tagumpay sa laban kontra iligal na droga ang naturang operasyon matapos ma-i-pasakamay sa awtoridad ang mga kontrabando.
Kinilala rin ng opisyal ang kooperasyon ng mga mangingisda na boluntaryong nag-surrender ng mga kahina-hinalang sako dahil umano sa kanilang pagiging alerto sa laot.
Samantala, nanindigan naman si 1st District Congressman Arthur Celeste na hindi magiging daanan at imbakan ng ilegal na droga ang mga baybayin sa kanyang distrito.
Ibinahagi rin ni Sual Mayor Liseldo Calugay ang tagumpay ng operasyon matapos masaksihan ang imbentaryo ng mga nasabat na item sa tanggapan ng Coast Guard sa Sual.
Aniya, malaking bagay na napigilang dumaong at maibenta pa ang ilegal na droga dahil sa dami umano ng buhay na maaaring masira dito.
Sa kabuuan, tinatayang abot P4. 3B ang halaga ng nasa 630 kgs ng hinihinalang shabu. Kaugnay nito, dinala sa Forensic Laboratory upang matiyak ang nilalaman nito.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng iba’t-ibang ahensya upang matukoy ang pinagmulan at dahilan sa pagkakapadpad nito sa Pangasinan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments