Granular lockdown, maaaring ipatupad sa Metro Manila at sa mga karatig na lalawigan; bagong quarantine measure sa bansa, iaanunsyo ng Pangulong Duterte sa Agosto 17

134

Posibleng granular lockdown na lamang ang ipatupad ng pamahalaan pagkatapos ng umiiral na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Bulacan at Rizal.


Ayon kay Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, tanging ang mga barangay na lamang na may mataas na kaso ng COVID-19 ang maaaring ilagay sa lockdown.

Hindi na kasi aniya kakayanin pa ng ekonomiya ng bansa kung palalawigin pa ang MECQ at marami na rin sa ating kababayan ang magugutom.

Sa ngayon aniya ay sinisikap ng national government na gabayan ang Local Government Units kung paano ipinatutupad ang granular lockdowns.

Samantala, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sa Lunes, Agosto 17, ay inaasahang iaanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong quarantine classifications sa bansa.

Una nang sinabi ni Roque na “highly unlikely” para sa pamahalaan na panatilihin ang Metro Manila at mga karatig lalawigan sa MECQ dahil sa pagkaubos ng resources para tugunan ang pandemiya na dala ng Coronavirus.

Facebook Comments