
Sa ikalawang pagkakataon ay muling pinatawan ng contempt ng House Quad Committee si dating Mandaluyong Police Chief Col. Hector Grijaldo, at ipinakulong din ito sa Batasan Police Station 6 mula sa kustodiya ng Kamara.
Pasya ito ng komite makaraang hindi sagutin ni Grijaldo ang tanong ng mga kongresista ukol sa sinabi nya sa pagdinig ng Senado na pinilit siya nina Representatives Dan Fernandez at Benny Abante.
Ito ay para tumestigo siya at patotohanan ang isiniwalat ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager at retired Police Col. Royina Garma na reward system sa ilalim ng war on drugs.
Sa ika-14 na pagdinig ng Quad Committee ay ipinakita rin ang CCTV footage kung saan makikita si Grijaldo na nakangiting lumabas ng holding room at walang bakas na siya ay pinwersa o pinilit nina Representatives Abante at Fernandez na patotohanan ang reward system sa drug war.