
Nagkasa ng rally ang nasa daan-daang kababaihan na kabilang sa grupo ng Liga ng mga Organisasyon ng Kababaihang Nagkakaisa (LORENA) malapit sa Mendiola, Maynila.
Ito’y kasabay ng paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.
Binigyan-pansin ng kanilang pagkilos ang iba’t ibang isyung kinahaharap at nakaaapekto sa mga kababaihan.
Partikular sa hanay ng mga maralita kung saan ilan dito ay ang krisis sa ekonomiya at usapin sa kawalan ng trabaho.
Bukod dito, nais din nilang ipanawagan na tutukan sana ng pamahalaan ang isyu sa pabahay sa mga mahihirap na pamilya gayundin ang solusyon sa pagkasira sa kalikasan at karahasan sa kababaihan.
Kabilang din sa ipinapanawagan ng grupo ng mga kababaihan ay ang isyu sa taas-sweldo upang mabuhay nang maayos at marangal ang bawat pamilyang Pilipino.