
Nagprotesta ang PANGISDA Pilipinas sa harap ng Korte Suprema bilang pagtutol sa desisyon na nagdedeklarang unconstitutional ang probisyon ng Philippine Fisheries Code na nagbabawal sa komersyal na pangingisda sa mga municipal water.
Ayon sa alyansa ng maliliit na mangingisda mula Bataan, Zambales, Bulacan, Quezon, Cavite at NCR, binubura ng desisyon ang pagsisikap sa pagpapaunlad ng lokal na industriya ng pangisdaan.
Unang kinatigan ng first division ng Korte Suprema ang desisyon ng Malabon Regional Trial Court hinggil sa petisyon ng Mercidar Fishing Corp. na nagdeklarang unconstitutional ang preferential access ng mga mangingisdang munisipal sa 15-kilometrong munisipal na tubig.
Giit ng PANGISDA Pilipinas, pareho ang itinataguyod ng Department of Agriculture–Bureau of Fisheries at Korte Suprema hinggil sa interes ng mga kapitalista at korporasyon.
Nais ng grupo na papanagutin ang mga ahensya ng gobyerno na may sabwatan sa mga korporasyon na sanhi ng pagkawasak ng pangisdaan at kalikasan kung saan lubos na apektado ang kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda.