
Mariing kinondena ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang pag-apruba ng Mababang Kapulungan sa panukalang 2026 national budget na umano’y puno ng pork barrel allocations, sa kabila ng malawakang galit ng publiko laban sa malakihang korapsyon sa gobyerno.
Sinabi ni Bagong Alyansang Makabayan chair at dating Bayan Muna Representative Teddy Casiño, ipinangalandakan ng mga lider ng Kamara na ililipat umano sa ibang proyekto ang kontrobersiyal na flood-control funding, pero ang katotohanan, ito raw ay ibubuhos muli sa mga tradisyunal na pork barrel projects na ineendorso ng mga mambabatas tulad ng farm-to-market roads, multi-purpose buildings, classrooms, irrigation facilities, at mga ayuda programs.
Dahil dito, nagkakaroon umano ng pagkakataon ang mga mambabatas na iliko ang pondo, kumuha ng kickbacks, at gamitin ito para sa patronage politics.
Ang flood control item ay ginawang “smokescreen” lamang para maitago ang iba pang proyekto at programa na may parehong layunin.
Ang pinakamalaking nakikinabang umano sa nakatagong pork barrel ay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bukod sa napakalaking pondo na nasa kaniyang kontrol, hawak din umano ng pangulo ang mahigit ₱243 bilyon na unprogrammed appropriations, na maaari niyang gamitin sa kanyang kagustuhan.









