Grupong Bayan, nanawagan ng isang emergency action kasunod ng pagkakaaresto kay FPRRD

Sasabayan ng isang pagkilos ng iba’t ibang militanteng grupo ang pagkakalagay na sa kustodiya ng mga awtoridad kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kaniyang Tweeter, nanawagan si Bagong Alyansang Makabayan Secretary General Renato Reyes sa taumbayan na sumama sa isang emergency action.

Wala pa namang inilalabas na detalye ang BAYAN sa gagawin nilang pagkilos.

Ayon kay Reyes, layon ng kanilang emergency action na ipanawagan ang accountability o pagpapanagot kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos itong arestuhin sa bisa ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong crimes against humanity.

May mga hiwalay naman na pagkilos ang ibang grupo na pakikipagkaisa sa mga biktima ng extrajudicial killings sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Bandang 1:30PM mamaya magkakaroon ng isang Holy Mass sa Ina ng Lupang Pangako Parish, Payatas.

Dadaluhan ito ng mga pamilya at tagasuporta ng extrajudicial killing (EJK) victims.

Ito ay upang bigyang pagkilala ang mga naulila at ipanawagan na rin ang pagkamit nila ng hustisya.

Facebook Comments