LTOP, hindi pabor na itaas sa P15 ang minimum na pamasahe sa mga jeep

Pinaghihinay-hinay ng Grupong Liga ng Transportasyon at Opereytor sa Pilipinas o LTOP ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na desisyunan ang petisyon na papabor sa P15 na pagtataas sa pamasahe sa jeepney.

Sabi ni LTOP President Ka Lando Marquez, may iba pang paraan para makatulong sa transport sector.

Sa halip aniya na fare increase ay pag-aralan ng gobyerno ang pagbabawas sa 12% excise tax sa langis at ibasura ang maling Joint Administrative Order noong 2014 na naglalayong patawan ng mataas na kaparusahan ang mga lumalabag na operator ng public utility vehicle sa bansa.


Ngayong araw nakatakdang dinggin ng LTFRB ang Petition for Fare Increase na inihain ng transport group noong 2023 kung saan kasama rin sa petitioner ang LTOP.

Giit ni Marquez, hindi na ito napapanahon ngayon dahil magdudulot lamang ng chain reaction na pagtaas din lalo ng mga bilihin at paghiling ng lahat ng sektor na magtaas ng bayad sa iba pang serbisyo.

Samantala, sa pangunguna naman ni House Speaker Martin Romualdez ay itinutulak na ngayon sa Kamara ang pag-amyenda sa Republic Act 10963 o Train Law na naglalayong alisin na ang ipinapataw na Excise Tax sa langis.

Facebook Comments