Gulfstream G550 na naghatid kay FPRRD sa The Hague, maraming beses na nasakyan ni PBBM

Contributed photo

Tinukoy sa pagdinig ng Senado na ang eroplanong naghatid kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, The Netherlands na Gulfstream G550 na may tail number RP-C5219 ay madalas na sinakyan ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sa gitna ng pagdinig ay ipinakita ni Senator Imee Marcos ang mga larawan kung nasaan naroon ang eroplano at si Pangulong Marcos.

Sinabi ng senadora na sinakyan ito ng kaniyang kapatid na pangulo noong March 30 nang magpunta sa isang event sa Laoag, Ilocos Norte, ganun din sa pagpunta nito sa Puerto Princesa, Palawan, sa Davao at Tawi-tawi noong nakaraang taon.

Hindi naman malaman kung anong kompanya ang may-ari ng eroplano dahil hindi naman dumalo sa pagdinig ang resource person na pwede sanang tanungin.

Sakaling totoo man kung Office of the President ang sumagot sa gastos sa eroplano ay tanong ng mambabatas kung dumaan ba ito sa bidding at nasaan ang mga papeles.

Bagama’t may inilabas na impormasyon si Sen. Marcos na October 2024 pa lang ay may mga ICC personnel nang nagpunta sa bansa para kumalap ng mga dokumento at ebidensya laban sa dating pangulo, natapos naman ang pagdinig na halos puro katanungan at ipina-subpoena ang mga executive officials na hindi dumalo.

Facebook Comments