Gutom at Pagod, Dahilan para Sumuko ang 4 na Miyembro ng NPA

Gutom, pagod at pangamba ang dahilan upang sumuko sa kasundaluhan ang apat (4) na katutubong Dumagat na dating miyembro ng komunistang teroristang grupo dala ang walong matataas na uri ng mga baril.

Kinilala ang mga sumuko na sina alyas Jordan, Jaymar, Mikmik, at Michael, lahat ay mula sa Komiteng Probinsya (KOMPROB) Isabela ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley.

Ayon sa kanilang salaysay, napakahirap ng kanilang naging buhay sa kabundukan dahil doon ay lagi silang nakakaranas ng gutom at pagod na siyang dahilan kaya sila sumuko.

Dagdag pa nila, ayaw nilang sapitin ang nangyari sa kanilang mga kasamahan na namatay sa Maconacon, Isabela kung saan nahukay doon ng kasundaluhan ang walong bangkay noong buwan ng Hulyo taong kasalukuyan.

Sumuko sa 95th Infantry Battalion noong Agosto 25, 2022 ang mga former rebels (FRs) sa Peñablanca, Cagayan ayon na rin kay MGen. Laurence Mina, Commander ng 5th Infantry Division.

Magugunita na nagpatawag ang 5ID ng Press Conference nitong Lunes, Agosto 29, 2022 sa Camp Melchor F Dela Cruz upang ibahagi ang muling tagumpay nito dahil sa pagsuko ng apat na dating rebelde.

Facebook Comments