
Pumalo sa ₱555.56 million ang halaga ng napinsalang produktong agrikultural matapos ang pananalasa ng Bagyong Tino sa bansa ayon sa Department of Agriculture (DA).
Batay ito sa ginawang inisyal na assessment ng DA Regional Offices ng CALABARZON, MIMAROPA, Western, Eastern, at Central Visayas, at Northern Mindanao na ilan sa mga rehiyon na tinamaan ng bagyo.
Sa ulat ng DA-DRRM Operations Center (OpCen), ilan sa mga naapektuhang produkto ay palay, mais, mga high value crops, cassava, mga livestock at poultry, agricultural infrastructure, at machineries at equipment.
Kung saan aabot sa 21,971 metric tons ang naitalang production loss habang 10,634 hectares naman ng agricultural areas ang napinsala na patuloy namang biniberipika ng ahensya.
Namahagi na ang DA ng 12,100 bags ng hybrid rice seeds at 2000 bags ng fertilizer sa ilang lalawigan gaya ng Palawan, Occidental at Oriental Mindoro.
Habang 18,600 bags ng well-milled rice mula sa National Food Authority (NFA) ang inisyu sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Visayas Disaster Resource Center.
Bukod dito, patuloy ang isinasagawang assessment ng Agriculture Department kung gaano kalaki ang pinsala at nawala sa sektor ng fishery at agrikultura.
Habang nakikipag-ugnayan ang ahensya sa mga local government unit (LGU), non-government organization (NGO), at DRRMO-related offices sa naging epekto ng bagyo para sa gagawing intervention at assistance.
Habang kanila ring namo-monitor ang paggalaw ng presyo ng mga agricultural commodities sa lugar na tinamaan ng bagyo.









