
Matagumpay na nai-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang halos 100 Chinese nationals na naaresto kamakailan sa pagtatrabaho sa iligal na kompanya ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Ito ay kahit ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., noong nakaraang taon ang pagpapatigil sa operasyon nito.
Ayon sa BI, nasa 98 na Chinese deportees ang sakay ng Philippine Airlines chartered flight patungong Xi’an, China kagabi.
91 sa mga ito ang kabilang sa 450 na naaresto sa Paranaque City noong January 8 habang ang pito ay mga nakapiit sa detention facility ng BI sa Bicutan, Taguig.
Sabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, sagot ng Chinese Embassy ang naturang chartered flight.
Mula noong pumasok ang 2025, mahigit 500 na dayuhan ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon sa Paranaque, Cavite at Pasay City kung saan 226 dito ang pinauwi na sa kanilang bansa.
Samantala, bukod sa Chinese, sampung Vietnamese rin ang dineport kahapon.