Halos 900,000 na indibidwal nag-preemptive evacuate dahil sa pananalasa ng Bagyong Tino

Umabot sa 290,000 na pamilya o halos 900,000 indibidwal ang nag-preemptive evacuate matapos ang pananalasa ng Bagyong Tino sa bansa ayon sa huling datos ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon sa DILG, ang nasabing bilang ay mula sa mga rehiyon ng MIMAROPA, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Central Visayas, Caraga, at Negros Island.

Kaugnay nito ay patuloy naman ang isinasagawang relief at clean-up operations ng mga LGU sa mga apektadong rehiyon kabilang ang pamamahagi ng mga tubig at pagkain at pagsasaayos ng mga kuryente, communication lines, at road access.

Dagdag pa rito, naka-monitor din ang DILG regional offices 24 oras upang masiguro na ang kinakailangang tulong ay makakaabot sa mga komunidad na napuruhan ng paghagupit ng kalamidad.

Habang nagbigay rin ng assistance ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pagri-rescue, clearing operations, at pangangalaga sa mga residenteng apektado ng Bagyong Tino.

Samantala, pinuri naman ng DILG ang mga lokal na pamahalaan sa agarang pagkilos sa pagpapalikas sa mga residente bago pa man tumama ang bagyo.

Dagdag pa ng ahensya na nakatulong ito na mabawasan ang casualties at natutukan din ang relief, clearing, at recovery operations.

Facebook Comments