HALOS KALAHATING BILYON, NAIPAMAHAGI SA ILOCOS REGION SA ILALIM NG TUPAD PROGRAM

Halos kalahating bilyong piso o humigit-kumulang PHP497.6 milyon ang naipamahagi ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Ilocos Region sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program mula Enero hanggang Mayo ngayong taon.

Ayon kay Honorina Dian-Baga, Assistant Director ng DOLE–Ilocos Region, mahigit 92,000 residente ang nakinabang sa emergency employment program na layong bigyan ng pansamantalang kabuhayan ang mga nawalan ng hanapbuhay o kabilang sa mga sektor na nasa laylayan ng lipunan.

Sa ilalim ng TUPAD, tumatanggap ang mga benepisyaryo ng sahod base sa minimum wage ng rehiyon kapalit ng sampung araw na community work tulad ng paglilinis at pagsasaayos ng mga pampublikong lugar.

Kabilang din sa mga nakinabang sa programa ang mga person deprived of liberty, parolees, probationers, dating miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at mga sumukong dating kasapi o tagasuporta ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).

Samantala, nakapagpamahagi rin ang DOLE ng PHP13.3 milyon para sa 1,226 na indibidwal sa ilalim ng Integrated Livelihood Program (ILP).

Layunin ng programang ito na tulungan ang mga mahihirap at vulnerable sectors sa pamamagitan ng pagbibigay ng pinansyal na tulong upang makapagsimula, makapagpalawak, o muling magpapatakbo ng kanilang kabuhayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments