Halos lahat ng reclamation projects sa Manila Bay, walang flood management plan – DENR

Walang inilatag na flood management plan ang halos lahat ng reclamation projects sa Manila Bay.

Ito ang inulat ni Environment Sec. Toni Yulo-Loyzaga kasunod ng ginawang cumulative impact assessment ng DENR kasama ang UP Marine Science Institute (UP MSI) at Marine Environment and Resources Foundation Inc. (MERF) sa mga development plan kaugnay ng reklamasyon sa Manila Bay.

Ayon kay Loyzaga posibleng hindi makausad ang mga proyekto dahil walang nakalatag na plano para sa pangangasiwa ng tubig baha mula sa mga lungsod at ilog palabas ng Manila Bay.

Wala rin aniyang traffic management plan o detalye kung paano magpapasok ng suplay ng kuryente at tubig sa reclamation area, at walang plano para sa waste management o pangangasiwa ng basura.

Mahalaga aniya ang resulta ng assessment dahil may batayan ito sa Mandamus ruling ng Korte Suprema na nag-uutos sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at labintatlong Local Government Unit (LGU) na ibalik ang malinis na kalidad ng tubig ng Manila Bay.

Bagama’t hindi tinukoy ni Loyzaga kung alin sa mga reclamation projects ang bumagsak sa requirement, isasama aniya nila ang flood management plan sa isusumite nilang report sa Supreme Court.

Matatandaang sinuspinde ni PangulongFerdinand Marcos Jr. ang 16 na reclamation projects sa Manila Bay noong 2023 dahil sa posibleng banta sa marine habitat at kabuhayan ng mga nakatira malapit dito

Pero dalawa ang pinayagang magpatuloy dahil nagawa umanong makasunod sa guidelines ng DENR.

Facebook Comments