Friday, March 6, 2026

HALOS P1.3M HALAGA NG DROGA, NASAMSAM SA ISANG LINGGONG OPERASYON NG KAPULISAN SA PANGASINAN

Mahigit ₱1.3 milyon halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng Pangasinan Police Provincial Office sa serye ng operasyon mula Pebrero 23 hanggang Marso 1, 2026, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya para sa kaligtasan ng publiko sa buong lalawigan.

Sa loob ng isang linggo, nagsagawa ng 12 operasyon kontra ilegal na droga na nagresulta sa pagkakaaresto ng 14 na indibidwal.

Nakumpiska ang 196.9 gramo ng hinihinalang shabu at 6 na gramo ng tuyong marijuana na may tinatayang street value na ₱1,339,640.

Bukod dito, pinaigting din ang kampanya laban sa ilegal na sugal. Tatlong operasyon ang isinagawa laban sa dalawang bookies at isang drop ball activity, kung saan siyam na katao ang naaresto at ₱25,130 ang nakumpiskang pera.

Sa usapin naman ng smuggling, umabot sa 72 anti-smuggling operations ang isinagawa sa iba’t ibang bahagi ng probinsya bilang bahagi ng tuloy-tuloy na kampanya laban sa iligal na kalakalan.

Samantala, tatlo ang naaresto sa operasyon laban sa ilegal na baril at pampasabog, kung saan dalawang baril ang nasamsam.

Hinihikayat ng kapulisan ang publiko na magsumbong ng anumang ilegal na aktibidad para mapanatili ang kaayusan sa komunidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments