
Aabot sa 8.5 milyong piso ang halaga ng Marijuana na nasamsam sa isang anti-drug operation na isinagawa ng PNP Aviation Security Group, katuwang ang mga miyembro ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group.
Naganap ang operasyon sa Central Mail Exchange Center Domestic Road sa Pasay kung saan ay sampung inabandonang papasok na parcels ang nadiskubreng naglalaman ng marijuana kush,
Tinatayang nagkakahalaga ito ng P8,554,500.00 o katumbas ng 5,703 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Ang mga ito aynakatago sa mga bagaheng maling idineklarang naglalaman ng tsaa, pinatuyong prutas, laruan, damit at iba pang pang-araw-araw na gamit.
Kasunod ito ng alerto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) hinggil sa mga kahina-hinalang pakete na ipinadala mula sa iba’t ibang address sa Thailand.
Na-flag ito sa x-ray screening na isinagawa ng mga tauhan ng Bureau of Customs. Nang inspeksyunin gamit ang isang narcotic detection dog (K-9) na si “Magnus,” nakumpirma ang pagkakaroon ng ilegal na droga.
Ang mga kontrabandong nasamsam ay wastong namarkahan, nakuhanan ng larawan, at inimbentaryo at itinurn-over sa PDEA para sa disposisyon at mas malalim na imbestigasyon.