Hangad ni VP Sara na maging House Speaker ang kapatid na si Rep. Paolo Duterte, binatikos ng isang kongresista

Hindi katanggap-tanggap para kay House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang pagnanais ni Vice President Sara Duterte na maging House speaker sa 20th Congress ang kapatid na si Davao City Representative Paolo Duterte.

Para kay Castro, ito ay garapalang pagtatangka ng pamilya Duterte na magtayo ng monopolyo sa mahahalagang posisyon sa gobyerno na isang pagbalewala sa prinsipyo ng isang demokrasya.

Malinaw para kay Castro na itinuturing ng mga Duterte ang Pilipinas bilang family corporation kung saan pwede nilang kunin ang posisyon na gusto nila.

Iginiit ni Castro na ang serbisyo publiko ay hindi isang family enterprise na maaaring ipamana sa miyembro ng pamilya kundi usapin ng tiwala ng mamamayan at hindi dapat mapunta sa sinumang mapanlamang at nagsusulong sa interes lang ng kanilang angkan.

Facebook Comments