High Value Individual, Timbog sa Operasyon ng PNP at PDEA sa Nueva Vizcaya

Cauayan City, Isabela – Nadakip ang isang drug personality na itinuturing na “High Value Individual” ng PNP at PDEA sa ikinasang drug buy-bust operation sa Barangay Don Domingo Maddela, Bayombong, Nueva Vizcaya kamakailan.

Kinilala ang suspek na si Paul Vincent Balut, 41 anyos at residente ng Purok 7, Barangay District IV, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Tuluyang inaresto si Balut matapos itong makapagbenta ng isang pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng isang libong piso sa isang PDEA agent na nagpanggap na poseur buyer.

Nakumpiska rin mula sa pag-iingat ng suspek ang isang libong pisong buy-bust money; tatlo pang pakete ng hinihinalang “Shabu”; isang unit ng cellphone; isang itim na leather wallet; at anim (6) na magkakaibang identification cards.

Nakapiit na sa Bayombong Police Station ang suspek at siya’y nahaharap sa kasong paglabag ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments