
Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Maynila na walang dengue outbreak sa lungsod.
Ito’y kahit pa nasa 25 baragay mula sa District 1, 5, at 6 ang nakapagtala ng kaso ng dengue kung saan umaabot sa 51 na barangay ang kailangang ipa-misting.
Nasa apat ang naiulat na namatay sa dengue na pawang mga nakatira sa District 3, habang karamihan sa mga tinamaan ng dengue ay nasa edad 5 hanggang 39.
Kaugnay nito, hindi magpapakampante ang lokal na pamahalaan saka inatasan ang Manila Health Department, mga barangay official, at mga ospital sa lungsod na paigtingin pa ang preventive measures kontra dengue.
Magdaragdag din ng mga supply ng gamot at vitamins sa mga health centers gayundin sa super health centers para sa mga residente upang palakasin ang resistensya para maiwasan ang epekto ng dengue.
Patuloy rin ang pamamahagi ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng larvicide kit sa mga barangay para mapuksa ang mga lamok na nagdadala ng dengue virus.