Higit 2,000 bakanteng trabaho, iniaalok sa “Special Recruitment Activity” ng PESO Manila

Umaabot sa mahigit 2,000 na bakanteng trabaho ang inaalok sa ikakadang “Special Recruitment Activity” sa lungsod ng Maynila ngayong Huwebes.

Ito ay sa pangunguna ng lokal na pamahalaan ng Maynila at ng Public Employment Service Office o PESO-Manila City.

Layon ng aktibidad na mas mapadali ang aplikasyon sa trabaho kung saan isasagawa ito sa Room 201 ng PESO Annex Office sa Park N’ Ride Building, sa Lawton sa Ermita.


Sisimulan ito ng alas-9:00 ng umaga at matatapos ng hanggang alas-2:00 ng hapon.

Iba’t ibang mga kompanya ang makikibahagi sa recruitment activity kabilang dito ang engineer, nurse, store manager o supervisor, hanggang sa mga office staff, driver/rider, technician, at marami pang iba.

Para sa kumpletong listahan ng job vacancies, maaaring bisitahin ang Facebook page ng Manila Public Information Office o ng PESO-Manila City.

Samantala, pinapayuhan naman ang mga aplikante na magdala ng sapat na bilang ng resume at black ballpen; magsuot ng semi formal attire; sariling payong, pamaypay at inuming tubig; at pairalin pa rin ang minimum public health standards upang maiwasan ang COVID-19 at iba pang sakit.

Facebook Comments