
Umaabot sa 2,134 na pamilya o katumbas ng 7,123 na indibidwal ang naapektuhan ng nangyaring sunog sa Gate 46, Parola Compound, Barangay 275 Zone 25 sa Binondo, Maynila.
Halos lahat ng pamilyang nabiktima ng sunog ay pansamantalang nananatili sa Delpan Covered Court kung saan patuloy silang binibigyan ng tulong ng mga tauhan ng Manila Department of Social Welfare (MDSW).
Unang namahagi ng mainit na pagkain para sa pansamantalang pagpawi ng gutom ng mga biktima ng sunog habang nagpadala na rin ng mga food boxes ang Department of Social Welfare and Developmet (DSWD).
Kasama si DSWD Secretary Rex Gatchalian at MDSW Director Jay R. Dela Fuente na nagsagawa ng pamamahagi ng Ready-to-Eat Food Packs sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog.
Patuloy ang koordinasyon ng MDSW at DSWD upang matiyak ang maagap na pag-abot ng tulong at suporta sa mga pamilyang apektado ng sakuna.
Matatandaan na nagsimula ang sunog ng alas-3:00 ng hapon kahapon (Sabado) na umabot ng Task Force Charlie ang alarma saka tuluyang naapula ng alas-12:17 ng madaling araw ng Linggo.
Base sa paunang imbestigasyon, nasa 1,266 na bahay ang natupok ng apoy kung saan inaalam pa ang naging dahilan ng nasabing insidente.










