Higit 30 lugar sa Luzon na may ulat na pambabarat ng traders sa presyo ng palay, iimbestigahan ng DA

Paiimbestigahan ng Department of Agriculture (DA) ang 32 lugar sa Luzon kung saan may mga sumbong ng pambabarat ng mga trader sa presyo ng palay na ibinibenta ng mga magsasaka.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Larel Jr. na binibili lamang ito ng mga trader sa ₱13 hanggang ₱15 lang kada kilo.

Ayon kay Laurel, aalamin nila ang pagkakakilanlan ng mga trader na sangkot sa murang pagbili ng palay.

Magpapadala rin ang ahensya ng sariling marketing and purchasing group sa mga naturang lugar sa susunod na anihan para direktang bumili ng palay mula sa mga magsasaka sa mas makatarungan at patas na presyo.

Samantala, pag-aaralan din ng DA kung anong batas ang pwedeng ipatupad para mapanagot ang mga trader na sinasamantala ang kahinaan ng mga magsasaka.

Posible rin aniya silang magpalabas ng polisiya para makapagtakda ng floor price sa palay bilang proteksyon sa kapakanan ng mga magsasaka, para maaari nilang makasuhan ang mga lalabag dito.

Facebook Comments