Higit 300 flood control projects ng Duterte administration sa Cebu, pinasisilip din ng Palasyo

Ipinag-utos ng Malacañang ang masusing imbestigasyon sa mahigit P26 bilyong flood control projects sa Cebu matapos malubog sa baha ang probinsya sa kasagsagan ng Bagyong Tino.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, mula 2023 hanggang 2025 ay 168 flood control projects na ang natapos at 55 pa ang kasalukuyang ginagawa sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.

Pero dapat din aniyang silipin ang 343 flood control projects na ipinatupad mula 2016 hanggang 2022 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, upang malaman kung epektibo ang mga ito at kung maayos na nagamit ang pondo ng bayan.

Kasabay nito, welcome sa Palasyo ang anumang ebidensiya o impormasyon mula kay Cebu Governor Pamela Baricuatro, na una nang nagpahayag ng pagkadismaya sa matinding pagbaha sa kabila ng bilyun-bilyong ginastos sa flood control.

Giit ng Palasyo, dapat tukuyin kung saan napunta ang bilyun-bilyong pondo at bakit nananatiling lubog sa baha ang Cebu sa kabila ng mga proyektong ipinagmamalaki ng nakalipas na administrasyon.

Facebook Comments