
Umabot sa 474 na pribadong sasakyan ang nakumpiskahan ng blinkers, sirena, at wangwang ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) nitong Setyembre.
Ayon kay HPG Director Col. Hansel Marantan, mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Presidential Decree 96 ang paggamit ng blinkers, sirena, at wangwang sa pribadong sasakyan, maliban kung ito’y opisyal na gamit ng mga pulis, ambulansya o bumbero.
Bukod sa pagkumpiska, tiniketan din ang mga drayber na lumabag.
Samantala, nakapagtala rin ang HPG ng mahigit 7,000 na kaso ng hindi pagsusuot ng seatbelt, mahigit 1,000 na kaso ng paso ang rehistro, 1,212 na kaso ng no plate, no travel, 522 na kaso ng maling paglalagay ng plaka, at 70 na kaso ng paggamit ng pekeng lisensya.
Sinabi pa ni Marantan na tuloy-tuloy ang joint operations ng law enforcement agencies para ipatupad ang batas at habulin ang mga motoristang patuloy na lumalabag sa batas trapiko.









