Higit 71,000 inmates, napalaya sa gitna ng COVID-19 pandemic

54

Umaabot na sa mahigit 71,000 na inmates ang nakalaya simula nang ipatupad ang lockdown sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Ito ang inihayag ni Chief Justice Diosdado Peralta sa kauna-unahang online annual convention ng Philippine Trial Judges League, Inc. kung saan sa kaniyang talumpati, sinabi niya na kabuuang 71,439 na Persons Deprived of Liberty o PDLs ang nakalaya mula March 17 hanggang September 18.


Ito’y sa pamamagitan ng mga isinagawang videoconferencing o regular hearings ngayong may pandemya.

Dagdag pa ni Peralta na umabot sa 93,469 na pagdinig gamit ang videoconferencing technology ang naisagawa ng mga korte sa bansa.

Mula sa inisyal na 1,025 single-sala courts na inotorisa na magsagawa ng videocon hearings sa panahon ng lockdown, pinayagan na rin ang lahat ng first at second level courts na magdaos ng mga virtual hearings.

Ayon pa kay Peralta, sa kanilang evaluation ay mahigit 88% ang success rate ng mga idinaos na videocon hearings kaya’t nananawagan siya sa mga trial court judges na patuloy na suportahan ang lahat ng judicial reform programs lalo na ngayong may COVID-19 pandemic.




Facebook Comments