
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Philippine National Police (PNP) na ilapit ang mga kapulisan sa mga mamamayan.
Kasunod ito ng hinaing ng publiko patungkol sa estado ng krimen sa bansa na malayo umano sa ulat ng PNP.
Sa unang episode ng BBM Podcast, sinabi ng Pangulo na kailangan mapataas ang presensya ng pulisya sa mga komunidad para mapigilan ang krimen at mabilis na makatugon sa emergency.
Dapat aniyang makarating agad ang mga pulis sa insidente sa loob ng limang minuto o mas mababa pa.
Dagdag pa ng Pangulo, target din nilang pag-isahin na lamang ang hotline sa lahat ng krisis dahil maraming numero sa kasalukuyan para sa mga emergency hotline ang maaaring magdulot ng kalituhan.